Linggo, Hulyo 31, 2016

Sanaysay tungkol sa Filipino ang wika ng karunungan

Bakit nga ba  ginagamit natin ang Wikang Filipino? Bakit nga ba ito ang ugat ng karunungan nating mga Pilipino ? Sa sanaysay na ito malalaman natin ang gamit at importansya nito sa ating mga Pilipino.

         

     Ang Filipino, ang pambansang wika ng Pilipinas, ginagamit natin ito sa pagkakaroon ng mabisang komunikasyon sa iba't ibang panig ng Pilipinas. Napakahalaga ng wikang ito sapagkat ito ang pinakapangunahing instrumento nating mga  Pilipino na maipahayag ang ating damdamin, saloobin, kaisipan, opinyon at iba pa. Ang pagkatuto ng Wikang Filipino ay isa rin sa instrumento upang tayo ay magkaintindihan at makakalap ng mga impormasyon tungo sa maunlad na pagkakaisa.
         
         Hindi lahat ng Pilipino ay may kakayahang gamitin ito sa mas malalim na paraan pero maaari pa rin nating makasalamuha ang ating kapwa Pilipino dahil tayo ay nasa modernong panahon, marami nang teknolohiya tulad ng telebisyon, radyo at mga social networking sites na maaaring maging instrumento para sa mas madaliang pag-unawa sa wikang ito.

          Hindi tayo makakatuklas at makakagamit ng ibang wika hanggang sa hindi natin lubusang tatanggapin ang sariling wika natin. Ang pagiging marunong sa Wikang Filipino ay hindi lamang para sa ating komunikasyon kundi para rin sa ating ekonomiya. Alam nating lahat na maraming turista sa ibang bansa ang pumupunta sa Pilipinas  para  makita kung gaano kaganda ang ating bansa. Marami tayong nakukuhang kaalaman sa kanila lalong-lalo na sa kanilang wika. Gayundin tayo, natuturuan rin natin sila ng mga salita na isinalin sa Wikang Filipino at dahil dito mas pinapatibay pa natin ang ating komunikasyon at relasyon sa kanila at higit sa lahat naibabahagi natin ang ating kaalaman na nagbigay naman sa kanila ng karunungan sa paggamit nito para sa mabisang komunikasyon.

           Higit sa lahat, ginagamit natin ang wikang ito upang maipakita natin sa iba na tayo ay Pillipino at tayo ay taas noo'ng pinagsisigawan na tayo ay mamamayan ng bansang sinilangan. Ito ang nagpapaalala sa atin na sa kabila ng imperyalismo ng ibang bansa sa panahon ng kanilang pananakop ay nanatili tayong tapat sa ating bansa hanggang sa nakamit natin ang ating kalayaan. Ito rin ang  nagpapaalala sa atin na dapat nating respetuhin ang mga bayani ng bansa noong unang panahon na nag buwis ng kanilang buhay para sa kalayaan natin. Ang kalayaang gawin ang nararapat sa ating bansa  at ang makamit ang karapatang pantao. Wikang naging instrumento sa pagkakaroon ng magandang edukasyon at mabisang komunikasyon. Wikang sumisimbolo sa ating pagka-Pilipino. Wikang nagpapaunlad sa ating ekonomiya. Ang Wikang Pambansa. Ito ang Wikang Filipino.





Ipinasa nila: Ricalyn Bitancor
                       Allana Marie Galeos
                       Trisha Amor Canadalla
                       Jessel Mae Hortel
                       Narel Bonotan
                       Apple Jane Anta
                       Justin Eleda
                       Almie Jane Romanillos